SI SUPER-ABLE AT ANG DAKILANG JAVELIN
- Arjanmar H. Rebeta

- Nov 4
- 6 min read
Maikling Kwentong Pambata ni Arjanmar H. Rebeta

Sa Himpilan ng Gunita sa bayan ng Arawandiya, makikita ang mga bantayog ng sinaunang Gabay – Super Kandili, Super Kalinaw, Super Marahuyo, Super Marilag at Super Hiraya, mga bayaning nagligtas ng bayan laban sa masasamang nilalang. Hawak nila ang Dakilang Javelin, isang mahiwagang sandatang kaagapay ng Gabay.
Ang kasalukuyang Gabay ay si Super Diwa – matanda at mahina na. Ilang laban na rin ang kanyang ipinanalo para mapanatili ang kapayapaan ng Arawandiya. Panahon na para magpahinga.
Nakatayo si Super Diwa sa harap ng mga bantayog. Kasama niya si Abing, nakaupo sa wheelchair, ang 12 taong gulang na batang babae na hinirang ng Dakilang Javelin bilang susunod na Gabay. Bata pa lang, naging sandalan niya na ang wheelchair dahil sa sakit na nakuha niya sa murang edad. Si Super Diwa ang nagsisilbing guro niya.
Misteryoso ang pagpili ng susunod na Gabay. Mismong ang Dakilang Javelin ang nagtatakda nito. Kung kaninong kamay ito magliwanag, siya ang susunod na hahawak ng tungkulin. Para mahanap ang susunod na Gabay, tinipon ang lahat ng mamamayan; bata, matanda, malakas, mahina, lahat ay kabilang. At doon, nang hawakan ni Abing ang Dakilang Javelin, nagliwanag ito.
Ikinamangha ng lahat ang naganap. Kahit mismong si Abing ay nagulat, dahil sino ba naman siya para mapili sa gitna ng kanyang murang edad at kapansanan.
“Nalalapit na ang katapusan ng oras ko,” paalala ni Super Diwa.
Napatingin si Abing sa kanya, “Huwag ka pong magsalita ng ganyan.”
Ngumiti si Super Diwa. “Panahon na para ikaw ang maging bagong Gabay ng Arawandiya.”
Isang nakakatakot na alaala ang bumalik sa gunita ni Abing. Napahawak siya sa kanyang kwintas na hugis dyamante – katulad ng dulo ng sibat. Dito nakapaloob ang larawan ng kanyang mga magulang.
———
Noong limang taon pa si Abing, dumating ang isang halimaw sa Arawandiya. Dahil sa hindi makalakad, siya ang inasinta. Subalit, pinigilan ito ng kanyang mga magulang. Pinangharang nila ang kanilang mga katawan para iligtas ang anak.
———
Ipinatong ni Super Diwa ang palad nya sa ulo ni Abing. Bumalik ang diwa nya sa kasalukuyan.
"Alam mong darating ang panahong ito."
Umiling si Abing. “Gabay… hindi ito para sa akin.” Tinuro niya ang mga bantayog “Lahat sila, nakatayo. Tingnan mo po ako.” Tumingin siya sa wheelchair.. “Ano pong magagawa ng katulad ko? ‘Di makatayo, nakaasa sa gulong. Ni dahil sa kapansanan ko, nawala ang aking mga magulang.” mahinang sabi niya na may paninisi sa sarili.
Mahinahong magpapaalala si Super Diwa. “Hindi ang kapansanan mo ang dahilan kung bakit sila nawala, mas pinili nilang mahalin ka. Hayaan mong ang pag-ibig nila ay maging gabay mo.”
Mapapahawak si Abing sa kanyang kwintas habang nakatingin sa Dakilang Javelin na hawak ni Super Diwa.
———
Ang payapang bayan ng Arawandiya ay isang paraiso, ngunit nagbabadya ang panganib ng isang araw ay manginig sa takot ang isang munting kuneho habang nilulukuban ng isang malaking anino.
———
Sa gubat, nagkausap sina Abing at ang kanyang mga kaibigang sina Mutya at Liyag. Habang pinagmamasdan ni Abing ang kunehong nanginginig sa kanyang mga kamay, nakita niya ang sarili niyang takot sa munting nilalang.
Tinanong siya ni Liyag, “Kaibigan, bakit ba ayaw mong maging Gabay? Kami nga na gustung-gusto ay hindi naman napili.”
Lumingon si Abing, “Alam mo namang hindi ako katulad ng mga Gabay… ni katulad ninyo.”
Ngunit mariing tugon ni Liyag, “Ano naman kung iba ka? Ibig sabihin, kakaiba rin ang galing mo.”
Sinundan ito ni Mutya, “Kung hindi ikaw ang dapat, sino pa? Huwag mong tingnan ang kulang sa katawan, kundi ang buo mong kalooban. Mas mahalaga ang puso kaysa sa lakas ng kamao.”
“Hindi nagtatapos ang pagkatao sa kung anong wala,” dagdag ni Liyag, “nagsisimula ito sa kung anong meron ka.”
Napatingin si Abing sa hawak nyang kuneho.
———
Nagdilim ang kalangitan. Nagsitakbuhan ang mga hayop sa takot nang muling lumitaw si Gabino, ang halimaw na anyong higanteng bayrus na may maraming galamay. Nagbabalik siya tuwing ang bayan ay nakakalimot sa mga Gunita, nanghihina ang mga Gabay o nagdududa ang mga mamamayan.
Dumating si Super Diwa upang harapin ito. Buong tapang niyang ginamit ang Dakilang Javelin at nakipaglaban, bagaman halata na ang kanyang pagkapagod at panghihina.
———
Pinagmamasdan ni Abing ang maitim na ulap mula sa malayo, bakas sa mukha ang pag-aalala. Kasama niya ang mga kaibigan. “Kung bakit pa kasi lumaban si Super Diwa. Alam naman niyang matanda na siya,” pag-aalala ni Abing. Lumapit si Liyag, “Alam mo kung ano ang totoo sa puso mo. Natatakpan lang ng takot ang tapang mo.” Wala siyang naisagot, ngunit unti-unting nabubuo ang isang matibay na pasya sa kanyang loob.
———
Nasakop na ni Gabino ang buong Arawandiya – nabalot ng kadiliman at kaguluhan. Nahuli niya na si Super Diwa. Ang Dakilang Javelin ay muling nakatusok sa isang malaking bato, naghihintay sa bagong Gabay.
Nagpasya si Abing na bumalik sa Himpilan ng Gunita. Sakay ng kanyang wheelchair, tinahak niya ang madilim at masukal na daan habang umaalingawngaw ang tunog ng pagkawasak sa buong bayan.
Sa daan, hinarang siya ng isang lalaki. “Wala na si Super Diwa! Huwag ka nang tumuloy!” sigaw nito. Nanginginig ang kanyang dibdib. Pero hindi siya umatras. "Pupunta ako!” sigaw niya. “Kailangan kong iligtas ang Arawandiya!"
Pinigilan siya ng lalaki. “Hindi ka pa handa!”
———
Humarap si Abing sa Dakilang Javelin na kumikislap sa liwanag, wari’y inaanyayahan siyang kunin ito. Tiningala niya ang sibat na nakabaon sa malaking bato, iniangat ang kamay ngunit nagdalawang-isip. Sa paligid, tahimik na nakamasid ang mga bantayog ng mga sinaunang Gabay, tila naghihintay.
Mula sa hangin, narinig niya ang tinig ni Super Kandili, “Hindi sapat ang lakas ng kamao o hangarin ng puso. Para maging karapat-dapat, kailangan mong maging handa.”
———
Nagsimula ang pagsasanay ni Abing. Sa tulong ng kanyang mga kaibigan, araw-araw niyang pinatatag ang katawan at loob. Piniga niya ang bigat ng kanyang katawan upang itulak ang wheelchair sa matarik na daan, pinaikot ang mga gulong sa putikan, at ginamit ito bilang sandata, hindi sagabal. Madalas siyang madapa, mapagod, at masugatan, ngunit hindi siya tumigil. Sa bawat pag-ikot ng gulong, tumitibay ang kanyang loob hanggang sa unti-unti, siya ay naging matatag.
———
Mabilis ang pag-ikot ng mga gulong ng wheelchair ni Abing habang umaakyat siya sa bundok patungo sa Dakilang Javelin. Natutunan niyang gamitin ang wheelchair bilang lakas, hindi limitasyon.
Pagdating sa tuktok, nagbigay-galang siya sa bantayog ng mga sinaunang Gabay, tila nakatingin at umaalalay sa kanya. Huminga siya nang malalim, hinigpitan ang kapit sa kanyang wheelchair, at iniabot ang kamay sa Dakilang Javelin. Sa pagdampi ng kanyang mga daliri, nagliwanag ang sibat.
Tahimik na bumigkas si Abing, “Handa na ako.” Biglang sumiklab ang liwanag sa buong himpilan.
———
Paghupa ng silaw, napadpad si Abing sa gitna ng Arawandiya. Nagliliwanag siya. Ang dating takot na bata ay si Super-Able na ngayon, matikas sa kanyang wheelchair at hawak ang Dakilang Javelin. Sa paligid, nagkakagulo ang mga tao at humihingi ng saklolo.
Napahinto si Super-Able. Parang ayaw gumalaw ng kanyang mga kamay. Naninibago siya sa bagong tungkulin. Para bang hinahampas siya ng mga galamay ng pagdududa ni Gabino. Tila ba humiwalay ang kanyang diwa sa kanyang katawan at nakita niya sa harap ang sarili na kaawa-awang nakaupo sa wheelchair.
“Isang bata? At naka-wheelchair? Ito ba ang ipapadala ninyo laban sa akin?” pang-aasar ni Gabino.
Lalo lamang siyang nagduda sa sarili nang marinig ito. Subalit, habang nakahiwalay ang kanyang diwa at pinagmamasdan niya ang natatakot na katawan sa wheelchair, bigla niyang nakita ang iniwang kwintas ng kanyang mga magulang. Naalala niya ang kanilang huling yakap sa kanya. Tumakbo siya sa sariling katawan para yakapin ito at iparamdam ang katulad na pag-ibig na binigay sa kanya ng mga magulang. Nakabalik ang kanyang diwa sa kanyang katawan. Mas hinigpitan niya ang hawak sa kanyang wheelchair.
Nabalot siya ng bagong pag-asa at tapang. Huminga siya nang malalim. Sumugod siya kay Gabino gamit ang pwersa ng kanyang wheelchair. “Para sa Arawandiya!” sigaw niya.
Mabilis niyang pinaikot ang gulong ng wheelchair. Sa bilis nito, halos mabalot na siya ng usok. Bigla niyang itinusok sa lupa ang Dakilang Javelin. Sa lakas ng pwersa, nakalipad siya. Labis ang higpit ng hawak ni Super-Able sa Dakilang Javelin katulad ng higpit ng yakap sa kanya noon ng kanyang mga magulang. Itinusok niya ang sibat sa gitna ng anino kung saan higit ang kadiliman – doon sa puso ni Gabino. Sumabog ang halimaw. Unti-unting nagliwanag ang langit.
———
Payapa na muli ang Arawandiya. Sa tuktok ng bundok, magkatabi sina Super-Able at Super-Diwa, tanaw ang bayan na muling nababalot ng liwanag. Lumapit ang kunehong minsang takot, ngayon ay masayang nagtatatalon sa tabi nila.
“Walang pagdududa, nararapat ka bilang Gabay. Walang kakulangan kapag buo ang kalooban,” nakangiting sambit si Super-Diwa.
Napangiti si Super-Able.
Muling nagsalita si Super-Diwa, “Subalit… hindi pa tuluyang natatapos ang laban.” “Alam ko po, Gabay,” sagot ni Super-Able nang may tapang, sabay hawak nang mahigpit sa kanyang wheelchair.
“Handa na ako!”
Unti-unting dumilim muli ang paligid, tila may panibagong banta, ngunit higit sa dilim ay mas nagningning ang Dakilang Javelin ni Super-Able. At sa liwanag nitong bumabalot sa Arawandiya, narinig ng lahat ang tinig ni Super-Diwa:
“Sa tuwing may bagong takot, may bagong Gabino. At sa bawat batang may tapang, may panibagong Super-Able.”
Ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.



Comments