SA DULO NG INDEX FINGER
- Arjanmar H. Rebeta

- Nov 3
- 3 min read
Mga Tula ni Arjanmar H. Rebeta

FILIPINO GHOST FIGHTERS
Gusgusin na ang lipunan
Gugustuhin mong lipulin
ang mga
Ghost projects
Ghost employees
Ghost beneficiaries
Ghost students
pati ang mga
katakot-takot
na mga kurakot
pulitiko, kontratista
pati na ahensya.
Kaya nga ang imbestigasyon
nagmumukha lamang ghost.
Sila-sila nag-iimbestigahan
O nagtatakipan.
Pakitang-tao
Pakitang-multo.
Sa bawat tanong nila, kabado
Baka lumitaw ang sariling multo.
Magnanakaw sa kapwa magnanakaw
Halimaw sa kapwa halimaw.
Multo ba ang may hawak ng katarungan
O ang mga minumultong mamamayan.
Ang pagpapatuloy ng kahirapan
ang pinakamalaking kababalaghan
subalit ang mga ito
ay multo rin ng ating mga boto.
Kaya ang pinili ng ating index finger
Magtatapos sa ating index finger.
Sapagkat tayo ang mga Ghost Fighters!
Ihanda na ang Spirit Gun at Demon Gun
Itumba ang mga halimaw ng bayan!
Spirittttttt Gunnnnnnn!!!!!!!!!!!!!!!
LILA SA KUKO NG HINTUTURO
Ngayong araw,
Lila ang kulay ng kuko ng hintuturo
Mayroong karapatang magturo
Kung sino ang nararapat mamuno.
Ngayon,
Lila rin ang kulay ng bayad
Inilalatag sa mga pobreng palad
Para ituro ang hindi nararapat.
Kinabukasan,
Lila ang kulay ng naibentang panahon
Ang araw ay laging nakalutang sa dapithapon
Naghihingalo sa pag-asam ng pag-ahon.
Sa sumunod na linggo,
Lila pa rin ang kulay ng kuko ng hintuturo
Pinupukpok ng martilyo at bakal na kamao
Habang patuloy syang dinuduru-duro.
Taon na ang nagdaan,
Lila ang kulay ng sinampal na dangal
Binigyan dati ng karapatang maghalal
Subalit mas pinili ang magsugal.
Talo na ang nagdaan,
Lila na ang kulay ng pinalong balat
Mas pinili na itihaya ang palad
Kumpara itikom at magturo ng dapat.
Taon na ang nagdaan,
Lila na ang kulay ng buong hintuturo
Nagmistulang talong sa kakatanong sa pinuno
Walang masisi, kundi sarili, tinuturo, dinuduro.
Halalan muli,
Lila ang tinta na naghihintay sa presinto
May karapatan muli ang hintuturo na magturo
O pipiliin muling madurog o maduro.
Lika muli,
Lila ang kulay ng lungkot at paghina
Lila ang kulay ng karapatan at pwersa
Lila, o pangungulila, pumili ka!
BINGING MALAKAS ANG PANDINIG
Isang gabing payapa
Nakatago ang mga tunog sa dilim
Hanggang sa dumating ang isang binata
At umupo sa kababatuhang malambing.
Katabing sapa ay nahihiya
Hindi maiagos ang kanyang tubig
Tahimik pati mga isda
Hindi makasayaw ‘pagkat walang himig.
Hanggang sa isang ibon ang naghawi
Sa kapalibutang napipipi
Ibig magpapansin sa binatang tulala
Na tila nag-iisip ng malalim na tula.
Tainga n’ya ay nabuksan
Tibok ng puso n’ya’y naramdaman
Maging ang mga nakapalibot na nilalang
Na agad-agad ring nagsiingayan.
Agad-agad na nabuhayan ang binata
Ang kanyang pagkapipi ay tumila
Mga tunog sa palibot ay kinilala
Kahit ang hilik ng mga kutong lupa.
(Mga tunog sa palibot) (Ang bulong ng binata)
Korokok…kok, korok..kok… -Bato-batong namamasyal sa masukal na talahiban.
Tagkroo…, tagkroo… -Tagkarong nanliligaw sa gitna ng dilim.
Kirikik-kik, kirikik-kik… -Paniking naghahanap ng matatakot.
Wak…, wak… -Uwak na nag-aabang ng mahahablot.
Howh…, howh… -Kwago na nag-aabang ng dalaga.
Tuk-ko…, tuk-ko… -Tuko na ‘di mapakali sa kalasingan.
Sheeeh…, sheeeh… -Lamok na nag-aalok ng pag-amok.
Kokak…, kokak… -Palakang namamayagpag pa ang dila.
Tikitik…, tikitik… -Butiking nagbabalasa ng hibla sa sagingan.
Toktoraok…, toktoraok… -Manok na sumisigaw, tama na ‘pagkat umaga na.
Toktoraok…, toktoraok…
Paulit-ulit na ang manok.
Kaya naman sila ay humupa
Hanggang isang grupo naman ang nagpasimula.
(Mga tunog sa palibot) (Ang bulong ng binata)
Woooh…, woooh… -Hangin ay bumubulong at yumayakap sa akin.
Bork! -Batong natipyas, nahulog sa tubig
Dork…, dork…, dork… -Tulo ng tubig mula sa aking paa, kumikiliti sa akin.
Kirk…, kirk… -Kawayang nabibinat at sa aki’y humahalik.
Biglang nawala ang mga ingay
Na tila nagbigay daan sa paparating na sigaw
Tunog nito'y iba sa iba
Subalit di naiiba sa kanya.
(Mga tunog sa palibot) (Ang bulong ng binata)
“Tabang! Tabang!” (Tulong! Tulong!) ...
“Sa siisay man na yaon d’yan” (Sa sinumang nand’yan) ...
“Tabang! Tabang!” (Tulong! Tulong!) ...
“Sa mga nakakadangog! (Sa mga nakakarinig) ...
Ang sigaw ay lalo pang lumakas,
Mga hintuturo ng binata'y itinaas
Dulo nito'y itinakip sa butas
Ng taingang may pandinig na ubod ng lakas.
“Tabang! Tabang!”
“Abang! Abang!”
“Bang! Bang!”
Ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.



Comments